Kung ang katanungang ito ay tanong mo, nagawa mo na ang unang hakbang tungo sa pagiging matuwid sa harap ng Diyos. Sinasabi sa Santiago 4:8-10, “Lumapit kayo sa Diyos, at siya'y lalapit sa inyo. Maglinis kayo ng inyong mga kamay, mga makasalanan, at pabanalin ninyo ang inyong mga puso, kayong mga may dalawang pag-iisip. Kayo'y managhoy, magluksa, at umiyak. Palitan ninyo ang inyong pagtawa ng pagluluksa, at ang inyong kagalakan ng kalungkutan. Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon, at kanyang itataas kayo.” Subalit isang hamon para sa atin na aminin na kailangan natin ang Diyos upang maging matuwid. Maraming tao ay hindi bukas ang loob sa pagsasagawa nito (Mat. 7:13). Gayunman, ang pagpapakumbaba sa kalooban ng Diyos ang tanging paraan upang maging matuwid sa Kanyang harapan.
Sumampalataya kay Jesus
Ang pakumbabang pagpapasakop sa makapangyarihang Diyos ay dapat na gawin sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo na Siyang Diyos na nagkatawang-tao. Sinasabi sa Roma 3:21-24, “Subalit ngayon ay ipinahahayag ang pagiging matuwid ng Diyos na hiwalay sa kautusan at pinatotohanan ng kautusan at ng mga propeta; ang pagiging matuwid ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo sa lahat ng mga sumasampalataya. Sapagkat walang pagkakaiba, yamang ang lahat ay nagkasala, at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos; sila ngayon ay itinuturing na ganap ng kanyang biyaya bilang kaloob sa pamamagitan ng pagtubos na na kay Cristo Jesus.” Sa madaling salita, si Jesus ang nagbibigay sa atin ng katuwiran at ang nagtuturo sa atin kung paano mamuhay ng matuwid. Siya ang daan na ibinigay ng Diyos upang ang tao’y magkaroon ng ugnayan sa Kanya. Sa kabilang banda, ang naging pamumuhay ni Jesus sa daigdig ang naging kapahayagan ng katuwiran ng Diyos. Kaya’t, matuwid lamang isipin na kung nais nating maging matuwid sa paningin ng Diyos, kailangan nating bumaling at manalig kay Jesus at sa Kanyang mga katuruan.
Ang pananampalataya kay Jesus ay nangangahulugan ng pagtitiwala at pagkatuto sa Kanya. May isang pagkakataon na maging si Juan Bautista na siyang propeta noong panahon ni Jesus ay sinidlan rin ng agam-agam. Dahil rito’y nagpasugo sa kanya si Jesus ng ganitong mensahe, “Humayo kayo at sabihin ninyo kay Juan ang inyong naririnig at nakikita: Ang mga bulag ay nakakakita, ang mga pilay ay nakakalakad, ang mga ketongin ay nalilinis, ang mga bingi ay nakakarinig, at ang mga patay ay muling binubuhay at ipinangangaral sa mga dukha ang magandang balita" (Mat. 11:4-5). At sa gayong parehas na tagpo, sinabi rin ni Jesus, "Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; sapagkat ako'y maamo at may mapagpakumbabang puso at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa. Sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan” (Mat. 11:28-30). Kaya nga, kung nais nating magkaroon ng maayos na ugnayan sa Diyos, mahalagang ituon natin ang ating pansin kay Jesus. Sa oras ng kahirapan at pagsubok, humingi tayo sa Kanya ng kaaliwan at gabay. Siya ang dakilang manggamot na bumaba mula langit at ang kasalukuyang dakilang manggagamot ng ating mga kaluluwa.
Ang pananampalataya kay Jesus ay nangangailangan ng paniniwala sa Kanyang pagkabuhay muli mula sa mga patay. Noong unang naipangalat ang balita na si Jesus ay muling nabuhay, marami sa Kanyang malalapit na alagad ay hindi makapaniwala. Ngunit isang araw, nang Siya’y nagpakita sa kanilang lahat, sinaway Niya ang mga ito sa kanilang katigasan ng ulo at kawalan ng pananampalataya (Marcos 16:14). Sinabihan niya ang isa sa mga alagad na naroon ng ganito, “Sapagkat ako'y nakita mo ay sumampalataya ka? Mapapalad ang hindi nakakita, gayunma'y sumasampalataya”(Juan 20:29). Sa madaling salita, ang ating paniniwala sa muling pagkabuhay ay mahalagang sangkap sa ating pananampalataya, yamang pangako ni Jesus na sa Kanyang muling pagbabalik, tayo man ay muling bubuhayin mula sa mga patay. Ang sabi sa 1 Tesalonika 4:13-14, "Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang tungkol sa mga natutulog upang kayo'y huwag malungkot, na gaya ng iba na walang pag-asa. Sapagkat kung tayo'y sumasampalatayang si Jesus ay namatay at muling binuhay ay gayundin naman, sa pamamagitan ni Jesus, ang mga natutulog ay dadalhin ng Diyos na kasama niya." Sa katapusan ng panahon, si Jesus ay muling magbabalik at bubuhaying muli ang mga patay na matapat na sumampalataya sa Kanya (1 Tes. 4:16). Lahat ng mga mananampalatayang ito ay makakapiling Niya ng walang hanggan sa paraiso ng Diyos (Pah. 2:7). Kaya nga, ang paniniwala sa muling pagkabuhay ni Jesus ay nagbibigay sa atin ng lakas at pag-asa ngayon at magpakailanman.
Gayunpaman, dapat nating maunawaan na ang paniniwala kay Jesus ay higit pa sa pagkatuto at pagtanggap sa mga katotohanang ito. Halimbawa, sa ika-8 ng Juan, si Jesus ay nagsalita sa mga taong nagsasabing naniniwala sa Kanya (Juan 8:31). Nang ilantad Niya ang kanilang pagpapa-alipin sa kasalanan, ang bilis nilang makipagtalo at magbago ng asal tungkol sa Kanya (Juan 8:33-ss). Nang sinabi ni Jesus na Siya’y Diyos na nagkatawang-tao, ang bilis nilang kumuha ng mga bato upang patayin Siya (Juan 8:59). Ang tagpong iyon ay nagpapakita sa atin na maaari palang maniwala ang isang tao kay Jesus subalit mababaw ang paninindigan sa Kanya. May mga taong gustong tumanggap ng mga mabubuting bagay mula kay Jesus subalit hindi gustong pasakop sa Kanyang gabay sa kanilang buhay. Gayunma’y, si Jesus ay hindi tumatanggap ng mga alagad na nagpapakalayaw sa kanilang mga kasalanan. Bagkus, dapat natin Siyang sundin bilang ating Panginoon at dapat na handa at kusa tayong ialay ang ating buhay para sa Kanya (Marcos 8:32-34). Dagdag pa, mahalagang masigasig tayo sa publikong-pagpapahayag ng ating pananampalataya sa Kanya, kahit na humarap tayo sa panlalait ng mga tao (Mateo 10:28-33 at Juan 12:42). Ang uri ng paniniwala na hinihingi sa atin ng Diyos ay habambuhay na katapatan kay Jesus at sa Kanyang katuruan. Ang pagiging matuwid sa harapan ng Diyos ay may nag-uugat na pananampalataya na sumasakop sa ating pag-iisip at gawa. Ito’y nag-uumapaw sa ating panlabas na mga gawi yamang ang pananampalatayang Kristyano ay nasasalamin sa bagong pamumuhay.
Linisin ang Iyong Kaluluwa (Bautismo)
Ang pagiging matuwid sa harapan ng Diyos ay hindi nangangahulugan na lagi tayong perpekto, kundi nangangahulugan ng pagsisikap. Kung wala tayong pagsisikap sa kalooban ng Diyos, hindi tayo magiging matuwid. Sinasabi sa Gawa 17:30-31,"Ang mga panahon ng kahangalan ay pinalampas na nga ng Diyos; ngunit ngayo'y ipinag-uutos niya sa lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi, sapagkat itinakda niya ang isang araw kung kailan niya hahatulan ang sanlibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking kanyang itinalaga, at tungkol dito'y binigyan niya ng katiyakan ang lahat ng tao, nang kanyang muling buhayin siya mula sa mga patay.” Ang salitang “magsisi” ay nangangahulugan ng “pagbabago ng isipan.” Ito’y maihahalintulad sa metamorposiya ng isang uod sa loob ng cocoon tungo sa pagiging isang marikit na paruparo. Tulad nito, ang isang Kristyano ay nagpasya na ilibing ang kanyang lumang buhay at nanindigang baguhin ang kanyang isipan at ialay ang kanyang buhay para sa Diyos (Rom. 6:4; Col. 2:12). Dulot nito, ang kanyang bagong isipan ay naghatid sa kanya ng bagong uri ng kilos at mga pagpapasya na kapansin-pansin sa mga taong nakakakita sa kanya. Kaya’t sa pamamagitan ng ating pagsisisi, na kaakbay ang tulong ng Diyos, magagawa nating mamuhay ng tulad ni Jesus.
Cleanse Your Soul (Baptism)
Sa kahuli-hulihan, dapat nating maunawaan na gaano man tayo katapat kay Jesus at sa Kanyang mga turo; gaano man kalaki ang pagbabago na naganap sa ating buhay, kung hindi pa rin nililinisan ng Diyos ang ating kaluluwa, tayo pa rin ay maituturing na di-matuwid sa Kanyang harapan. Ang alinmang kasalanan ay ginagawa tayong kasumpa-sumpa sa harapan ng Diyos. At dahil rito, mahalaga na mahugasan tayo sa ating mga kasalanan. Ang bautismo, sa anyo ng paglulubog sa tubig, ay mahalagang sangkap upang mahugasan ang ating mga kasalanan. Sinasabi sa 1 Pedro 3:21, "At ang bautismo, na siyang kalarawan nito, ang nagliligtas sa inyo ngayon, hindi sa pag-aalis ng karumihan ng laman, kundi bilang paghiling sa Diyos ng isang malinis na budhi, sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo."Sa Biblia, ang bautismo ay nagaganap kapag ang isang tao ay inilulubog ng isang Kristyano sa tubig. Sa ganitong tagpo nagaganap na ang kasalanan ng isang mananampalataya ay ganap na napapatawad at nagkakaroon ng matuwid na kaugnayan sa Diyos. Ang sabi sa Gawa 2:38-39,“Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang mapatawad ang inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo. Sapagkat ang pangako ay para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, bawat isa na tinatawag ng Panginoon nating Diyos sa kanya.” Kaya nga, sa oras na tayo’y sumampalataya, nagsisi, nanindigan, at nagpabautismo, kailangan nating manatili kay Jesus at sa Kanyang mga katuruan. Hindi man tayo laging perpekto, dapat pa rin nating hangarin na maging katulad ni Jesus. Hangga’t tayo’y nananatiling tapat, tataglayin natin ang pangako ng katuwiran sa harapan ng Diyos!